RITO NG SALUBONG
(kung ito ay gaganapin pagkatapos ng Magdamagang Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay)
Ito ang tanging kaugalian sa Pilipinas. Maari itong ganapin sa hulihan ng Misa ng Gabi ng Pagkabuhay. Sa ganitong paraan, hindi na kailangang gumising ng maaga para sa rito.
Magsasalubong ang dalawang imahen, ang isa ay ang imahen ni Jesus na Muling Nabuhay at si Maria na nakabelong itim sa isang nauukol na lugar para dito.
Bilang isang Pilipinong Katoliko naniniwala tayong si Hesus ay muling nabuhay at Siya ay nagpakita sa Kanyang Inang si Maria. Madaling araw ng Linggo ng Pagkabuhay ipinagdiriwang natin ang pagtatagpo o mas kilalang tawag ay Salubong ni Hesus na muling nabuhay at ng Kanyang Inang si Maria. Ang pagpruprusisyon ng dalawang napakagandang imahen, ang pagtatanghal ng belo sa namimighating si Maria at ng maliliit na mga batang gumaganap bilang anghel ang ilang dahilan kung bakit napakaganda at di kayang limutin ang pagdiriwang na ito ng Salubong.
Subalit mainiam din na tanungin natin sa ating sarili kung ano nga ba ang kahulugan ng ating pagdiriwang ng Salubong? Ito ay di lamang ang pagpapakita ni Hesus sa Kanyang Ina kundi ang Kanya ring pagpapakita sa atin, hindi lamang sa Ina kundi gayon din sa ating lahat na Kanyang kapatid. Papaano siya nagpapakita sa atin? Sa pamamagitan ng Kanyang Salita, sa pagdiriwang ng Banal na Misa, sa pagtanggap ng Banal na Komunyon siya ay patuloy na nagpapakita sa atin.
Subalit atin ding pakakatandaan na si Kristo ay nagpapakita sa atin kung tayo ay nagtutulungan. Kung tayo’y humihingi ng tawad sa mga pagkakataong tayo’y nagkakasala, si Kristo ay nagpapakita sa atin. Sa pagkakataong tayo ay nagpapatawad Siya ay nagpapakita sa atin. Kung tayo ay taopat sa ating pamilya, at tapat din sa ating Simbahan, si Hesus ay nagpapakita sa atin.
Sa pagdiriwang ng Salubong si Hesus ay nagpapakita kay Maria na Kanyang Ina, subalit ating pakakatandaan na ngayon si Hesus ay nagpapakita rin sa atin na Kanyang mga kapatid.
Napagyayaman ng Salubong ang pagdiriwang ng Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay di lang sa larangan ng liturhiya kundi rin sa espiritwalidad. Ang kagalakan ng muling pagkabuhay ni Hesus ay di magiging ganap o buo kung wala si Maria na Kanyang Ina at Kanyang nakasama sa Kanyang pagpapakasakit at kamatayan
PRUSISYON NG SALUBONG
Pari: Dapat nga tayong magalak at magpasalamat sa Diyos Ama at kay Hesukristong Anak Niya, hinugasan sa dugo ni Hesukristo ang kasamaan ng sangkatauhan.
Noong unang panahon, iniligtas ng Diyos ang Kanyang bayan mula sa pagkaalipin, itinawid sa dagat, at inihatid sa pangakong bayan. Sa gabing ito ating ipinagdiriwang ang paglaya natin mula sa pagiging alipin ng kasalanan at ang pagtawid ni Hesukristo – kasama tayo – mula sa kamatayan patungo sa Kanyang pagkabuhay.
Ipagdiwang natin ang dakilang pag-ibig ng Diyos na nagpasyang tayo’y tubusin at nang Kanyang malasakit sa atin sa pamamagitan ni Hesukristo.
Manalangin tayo:
Amang makapangyarihan sa lahat, binuhay Mong muli ang Iyong Anak upang itawid kami sa buhay na kasiya-siya at ganap. Puspusin Mo kami ngayon ng galak sa aming pagninilay sa pagsalubong ni Hesus na muling nabuhay sa Kanyang Inang puno ng lumbay. Katulad ni Maria, tanggapin nawa naming ng buong pananampalataya na si Jesus ay muling nabuhay at nabubuhay ngayon at magpakailanman.
Lahat: Amen.
Pari: Pakinggan natin ngayon ang salaysay mula sa Mahal na Pasyon ng Pagsalubong ni Kristo sa Kanyang Mahal na Ina.
Maaaring awitin o basahin. Iminumungkahi na ang bahagi ni Kristo ay awitin o babasahin ng mga lalaki at ang bahagi ni Maria ay ang mga babae. Sa dalawang unang taludtod at sa dalawang huling taludtod ay sabay-sabay na aawitin o babasahin ng babae at lalaki.
ANG PAGSALUBONG NI KRISTO SA KANYANG MAHAL NA INA
Lahat: Nang malabas na sa hukay at si Hesus ay mabuhay ang una N’yang dinalaw ay ang Inang namamanglaw inaliw sa kalubayan.
Doon nga sa Senakulo ay pinaroon ni Kristo at binati ng ganito, yaong Inang nanglulumo lumbay ay di mamagkano:
Mga lalaki: Aba, Ina Kong mapalad karamay-ramay Ko sa hirap tinging yaring Iyong Anak. Loob ay nang lumuwag sa kapighatia’t sindak.
Matuwa na’t lumigaya ang Poon Ko’t Aking Ina. Yamang Aking naganap na ang pagsakop Ko sa sala sa tanang anak ni Eba.
Napawi na’t nakaraan ang unos ng kasakitan. Ngayon ang katuwaan, Ina Ko’y siyang kamtan nitong Aking pagkabuhay.
Mga babae: Ang tugon ng Birheng Ina; Aba, bunso ko, aniya, loob ko’y nagkamit saya. Buhay niyaring kaluluwa, sa Iyo nang pagkakita.
Yaong mga tinataglay hapis at kapighatian ng puso kong nalulumbay, ngayo’y agad nahalinhan ng malaking katuwaan.
Ano pa’t ngayo’y nalubos ang tuwa kong di matapos. O Anak kong sinta’t irog, ang sukal ng aking loobnapawi ngayon tinubos.
Ikaw nga dili iba ang buhay ko’t aking sinta. Bunso nang di Ka makita, sa loob ko’y di magbawal ang kalumbayang lahat na.
Ngayon nga lamang naibsan puso ko ng kalumbayan at ngayong naliwanagan mata kong pinag-ulapan ng dilim ng kasakitan.
Lahat: Halos di nalulubos pa ang tuwa nang Birheng Ina nang kanilang pagkakita ay pumanaw kapagdaka si Jesus na Anak niya.
Ang Ina’y kaya nilisan ni Jesus at pinanawan. Aaliwin Niya naman, ang madlang kapighatian ng Kanyang mga kawal.
PAGBATI NI HESUS SA KANYANG INANG SI MARIA
Maaaring kumuha ng isang lalaki na aawit nito.
NABUHAY AKONG MULI
Manuel V. Francisco, SJ
Nabuhay Akong muli, Ale - lu – ya! Ako’y laging nasa ‘Yo, Ale - lu – ya! (Ulitin)
PAG-AWIT NG REGINA COELI
Maaring kumuha ng mga batang babae bilang mga anghel na aawit ng “Regina Coeli” bilang kasagutan sa pagbati habang inaalis ng isang anghel ang belong itim ng Mahal na Ina. Ang ibang mga anghel naman ay maaring magsabog ng bulaklak kay Maria.
REGINA COELI
Manuel V. Francisco, SJ
Reyna ng langit, magsaya, Aleluya! Anak mong dinala sa tuwa, Aleluya! Ay nabuhay na mag-muli, Aleluya! Ipanalangin mo kami sa Ama, Aleluya!
o kaya:
REYNA NG LANGIT
Eduardo P. Hontiveros, SJ
Reyna ng langit, magalak ka, Aleluya, Aleluya. Reyna ng langit, magalak ka, Aleluya, Aleluya. Sapagkat si Hesukristo ang Anak mo, Aleluya. Sapagkat si Hesukristo ang Anak mo, Aleluya. Magmuli Siyang nabuhay, Aleluya, Aleluya. Magmuli Siyang nabuhay, Aleluya, Aleluya. Ipanalangin kaming makasalanan, Ipanalangin mo, Aleluya. Aleluya. Aleluya.
Pari: Magalak ka at matuwa, O Birheng Maria, Aleluya!
Bayan: Sapagkat ang Panginoon ay tunay na nabuhay na mag- uli, Aleluya!
Pari: Manalangin tayo.
Lahat: Panginoong Diyos, nais Mo na sa Muling Pagkabuhay ng Iyong Anak na si Hesus ay hatdan ng galak ang sangkatauhan. Hinihiling namin na sa pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria ay makamtan namin ang ligaya ng buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ni Kristong Anak Mo. Amen.
Ipruprusisyon na ang dalawang imahen pabalik sa loob Simbahan habang umaawit.
Ito ang Bagong Araw
Titik: Danilo B. Isidro, SJ
Musika: Felipe Fruto Ll. Ramirez, SJ
1. Ito ang bagong araw, ito’y araw ng tagumpay; Anak ng tao’y nabuhay, Siya’y ating parangalan. Si Jesus muling nabuhay, sa kamataya’y nagtagumpay.
2. Magalak, h’wag nang lumuha, hinango ang tao sa sala, Kristo Jesus, tunay Kang Hari, kami sa ‘Yo’y nagpupuri. Sa krus, Ika’y namatay, ngunit muli Kang nabuhay.
A- leluya, ‘leluya, ale-luya. (4X) Aleluya!