ANG PRUSISYON NG SALUBONG SA LINGGO NG PAGKABUHAY
Rdo. Msgr. Luis D. Balquiedra, STL, SLD
Ang prusisyon ng Salubong ay isa sa mga kinagigiliwan gawain ng mga mananampalatayang Katoliko sa Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay. Isa ito sa mga gawaing pansimbahan ipinamana sa atin ng mga misyonerong Kastila. Kung tawagin ito sa Espanya ay Procesion del Encuentro. Karaniwang ginagawa ito sa madaling araw ngunit sa ilang parokya ginagawa ito pagkatapos ng Paglalamay o Pagtatanod sa Pagkabuhay ng Panginoon sa hating-gabi.
Ayon sa mga dokumento ng kasaysayan ng Espanya ang kauna-unahang prusisyon ng salubong ay naganap sa Madrid noong taon 1570. Nagmula ito sa kumbento ng Victoria sa madaling-araw ng Linggo ng Pagkabuhay. Ang Salubong o Encuentro ay ginagawa sa gitna ng malaking plaza sa Puerto del Sol.
Nagi itong bahagi ng pagdiriwang ng Triduo Paskwal sa buong Espanya hanggang sa kaliit-liitang bayan. Sa isang munting bayan ng Frensnedillas de la Oliva ay nabuo ang ganitong awit:
Por alli viene Jesus; por aqui vience su Madre.
Hagan anchura, senores, que vienen a visitarse.
Quitele usted ese manto a la senora Madre,
y tambien a las doncellas que van en su compania.
Quitela usted este luto, que este luto es muy pesado;
quitela usted este luto, que su Hijo ha resucitado.
Ya repican las campanas, ya sale la procession,
y tambien la cruz de plata y en medio Nuestro Senor.
Sa awit na ito’y makikita kung ano nga ba ang ginagawa sa prusisyon ng salubong. Mayroong dalawang pulotong ng mga mananampalataya na nagsisimulang magprusisyon: ang isay kasama ng imahen ng Panginoong Hesus na muling nabuhay (Por alli viene Jesus); ang ikalawa’y kasama ng imahen ng Mahal na Birhen (por aqui viene su Madre). Ang mga kasama ng imahen ng Mahal na Birhen ay ang mga babae (doncellas); at ang mga lalake naman ang kasama ng imahen ng Panginoong Hesus.
Ang dalawng grupo ay “nagsasalubong” sa isang takdang pook at ipinaghaharap ang dalawang imahen. Ang isang mahalagang bagay na ginagawa sa pagsasalubong na ito ay ang pag-aalis ng kapang itim na bumabalot sa imahen ng Mahal na Birhen na tanda ng kalungkutan ng isang namatayan (Quitele usted ese manto a la Senora Maria …. Quitela uster este luto, que su Hijo ha resucitado.)
Ito’y ginagawa ng isang batang nakasuot ng anghel na karaniwang inihuhugos mula sa isang balkon sa harap ng nagsasalubong na mga imahen. Umaawit muna siya ng awit ng Muling Pagkabuhay; pagbati kay Maria sapagkat ang kanyang ankay muling nabuhay. Regina coeli, laetare, alleluia. Reyna ng langit, magsaya ka, aleluya.
Mahalang bagay rin nab ago maglapit ang dalawang imahen at bago alisin ang belo o kapa ng Mahal na Birhen ay “tumutungo” muna ang Birhen nang tatlong ulit habang ito ay papalapit sa harap ng Panginoong Hesus. Sa ibang lugar sa Espanya ang imahen ng Mahal na Birhen ay gumagalaw ang leeg upang isagawa ang pagtungo. Kung hindi ito maigagalaw, ang mga nag-uusong ng andas ng Mahal na birhen an gang gumagawa ng paraan upang maisagawa ang pagtungog ito ng Mahal na Birhen. Sa lahat ng mga Procession de encuentro sa Espanya ang bahaging ito ay hindi nawawala sapagkat ito’y isang rubrica de rigor. Sa katunayan sa ibang lugar (sa Ciudadela de Menorca) angtawag sa prusisyong ito’y “ses tres reverencies.”
Pagkatapos ng pagtungo ng Birhen at ng pag-aalis ng belo ang dalawang prusisyon ay nagiging isa na lamang, at ang dalawang imahen ay magkaratig na dinadala pabalik sa simbahan sa gitna ng awitan ng mga tao, tugtog ng banda, at ng putukan ng mga cohetes.
Sa ibang lugar sa Espanya noong unang panahon ang ipinuprusisyon sa halip ng imahen ng Panginoong Muling nabuhay ay ang Santissimo Sakramento sa isang monstrans para magkaroon ng realismo. Ngunit hindi na ito pinahihintulutang gawin sapagkat ang Santissiomo ay hindi maaaring gamitin sa isang pagsasadula, sapagkat ang Salubong ay isang pagsasadula. At hindi ito gawaing liturhiko kundi debosyonal. Ang Santissimo ay itinatanghal o ipinuprusisyon para pagpitagan at sambahin hindi upang magsilbing panoorin.
Ang prusisyon ng Salubong kung magkagayon ay hindi orihinal na debosyong Filipino. Ito’y tinulad lang natin sa Procession del Encuentro sa Espanya. Ang maraming ginagawa natin sa buong Semana Sant, sa katuinayan sa buong taon, na nagmula sa Espanya. Kailangan nating lahat ito upang ang mga seremonyas ng liturhiya ay maging makahulugan sa mga karaniwang tao na gumagamit ng pandamdam sa pagsasabuhay ng pananampalataya at hindi lamang ng isip. Sa pamamagitan ng mga imahen, naipakita natin ang mga misterio ng pagpapakasakit, pagkamatay, at muling pagkabuhay ng Panginoong Hesus na bukal ng ating kaligtasan.
Ang Salubong ay isang pagpapahayag ng pananampalatay ng mga Katoliko na ang Mahal na Birhenay may malaking pitak sa puso ng kanyng Ank na Mananakop. Natuto siyang sumunod sa kalooban ng Poong Ama sa pamamagitan ng pakikiisa niya sa buhay, paghihirap, kamatayan ng kanyang anak. Kaya naman ayon sa ating makataong pang-unawa, nararapat lamang na si Maria ang unang pagpapakitaan ni Hesus na muling nabuhay bago pa si San Pedro, si Maria Magdalena at mga apostol. Wala ito sa Biblia, ngunit naging bahagi na ito ng tradisyon. Ito’y nagging paksa ng maraming pagninilay, panayam, aklat ng mga dalubhasa sa buhay espiritwal at ng mga teologo.
Bagamat hindi ito nasasabi sa Biblia, ang ganitong kaisipan ay maaaring makatulong sa pangunawa natin sa misteryo n gating kaligtasan. Una, ipinakikita ng kaisipang ito na iginagalng ng Diyos ang estraktura n gating pagkatao. Tayo’y hindi lamang isip kundi damdamin din; tayo’y hindi lamang kaluluwa kundi katawan din. Ang Diyos ay nakikitungo sa atin ayon sa ating kakayahan at kahinaan. Pinahahalagahan natin ang paghihirap at pagkamatay ng Panginoon hindi lamang ang Kanyang muling pagkabuhay.
Ngunit ipinaaalaala ng Salubong na hindi tayo dapat manatiling nasa kalungkutan ng isang namatayan (Quitela usted este luto, que su Hijo ha resucitado.) Sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Hesu binigyan tayo ng bagong buhay, nawalan ng kapangyarihan ang kamatayan sapagkat nilupig niya ang kasalanan.
Tayong mga Pilipino ay dibdibang nagdiriwang ng mga Mahal na Araw ngunit parang hindi ito tinatapos ng marami. Natatapos ang kanilang Mahal na Araw sa dalamhati ng Biyernes Santo. Dapat itong magtapos sa ligaya ng Linggo ng Pagkabuhay, kaligayahan ng bagong pamumuhay bilang mga anak ng Diyos. Ang Semana Santa ay hindi para sa “paghuhugas ng mga kasalanan” kundi higit sa lahat “sa pagbabagong-buhay bilang mga bagong nilalang (born-again) sa kapangyarihan ng Espiritu ni Kristong muling nabuhay. At ang huwaran natin sa bagay na ito’y walang iba kundi ang Mahal na Birhen. Magsaya tayo kasama ng kanyang Anak na muling nabuhay, quia resurrexit sicut dixit, alleluia.
Nawa ang ating pagdaraos ng Salubong ay hindi manatiling panoorin. Ang mensahe ng prusisyong ito ay bagong buhay ng mga inampong anak ng Diyos kasama ng Mahal na Birhen, Ina ng Diyos at Ina ng mga Mananampalataya, Ina ng Simbahan.
Halaw sa:
Uganayan sa Liturhiya
Buwanang Gabay sa Paghuhubog para sa Gawang Pagsamba at Pag-unawa sa Banal na Kasulatan
15th Anniversary Commemorative Issue
Diocesan Liturgical Service
Lucena City, Quezon