Aimer c'est tout donner et se donner soi meme.

Blog EntryPagtatanod sa Gabi ng PagkabuhayMar 21, '08 7:53 PM
for everyone

PANAHON NG PASKO NG MULING PAGKABUHAY

 

PAGTATANOD SA GABI NG PAGKABUHAY

 

Alinsunod sa pinakamatandang pamana, ang gabing ito ay nakatalaga sa pag-alala sa Panginoon (Exodo 12: 42). Sa Mabuting Balita ayon kay San Lukas (12: 35 at sumusunod), may paggunita sa mga tagasunod ng Panginoon upang sila’y maghintay habang tangan ang ilawang may sindi, katulad ng mga katiwalang naghihintay para sa pagbabalik ng kanilang Panginoon nang sa gayo’y kapag dumating Siya’y madatnan Niya silang handa at nagbabantay at sila’y Kanyang padudulugin sa Kanyang hapag.

 

Ang MagdamagangPagdiriwang na ito ay nahahati sa apat na yugto; 1) pagkaraan ng maikling pagpaparangal sa ilaw, 2) ang Simbahan ay nagsasaloob sa lahat ng mga kahanga-hangang ginawa ng Diyos para sa kapakanan ng Kanyang sambayanan sa mula’t mula pa; ito ang pagpapahayag ng Salita ng Diyos. 3) Habang papalapit ang araw ng muling pagkabuhay, ang mga bagong kaanib ng Simbahan ay muling isinisilang sa pamamagitan ng binyag, at 4) ang buong Simbahan ay inaanyayahang dumulog sa piging na inihanda ng Panginoon para sa Kanyang bayan bilang pakikinabang sa Kanyang pagkamatay at muling pagkabuhay.

 

Ang kabuuan ng Magdamagang Pagdiriwang ng Muling Pagkabuhay ay gaganapin kapag madilim na ang paligid. At ito’y di dapat simulan bago magtakip-silim, dapat itong magwakas bago magbukang-liwayway ang araw ng Linggo.

 

Ang pari at ang mga tagapaglingkod ay magsusuot ng putting damit para sa pagmimisa.

 

Dapat maghanda ng mga kandila para sa lahat ng mga makikiisa sa Magdamagang Pagdiriwang.

 

Unang Yugto:

ANG MARINGAL NA PAGSISIMULA NG MAGDAMAGANG PAGDIRIWANG:

ANG PAGPAPARANGAL SA ILAW

 

PAGBABASBAS AT PAGHAHANDA NG ILAW

Lahat ng mga ilaw sa simbahan ay hindi muna sisindihan. Isang malaking siga ang ihahanda sa isang naaangkop na dako sa labas ng simbahan. Kapag natitipon na ang mga tao, ang pari ay lalapit doon kasama ng mga tagapaglingkod. Isa sa mga ito ay siyang magdadala ng kandila ng Pasko ng Pagkabuhay.

 

Babatiin ng pari ang natitipong tao ayon sa kinaugaliang paraan. Siya’y magbibigay sa kanila ng maikling paliwanag tungkol sa pagdiriwang. Maaaring ang sumusunod o anumang katumbas nito ang kanyang ipahahayag:

 

·        PAGBATI

Pari:           Mga kapatid,

                   sa kabanal-banalang gabing ito

na pinangyarihan ng pagtawid ng ating Panginoong Hesukristo

mula sa pagkamatay patungo sa pagkabuhay

ang Sambayanan Niya ay nag-aanyaya

sa lahat ng mga anak na nasa iba’t ibang panig ng daigdig

upang magtipun-tipon sa pagganap ng magdamagang pagdiriwang.

Sa pagganap natin sa alaala ng Pasko ng Panginoong nagtagumpay

Sa pakikinig ng Salita at pagahahain ng Kanayng buhay

maaasahan nating tayo’y makakapakinabang

sa kanyang pananaig sa kamatayan

at pamumuhay sa piling Niya at ng Amang Maykapal.

                  

·        PAGBABASBAS NG SIGA

Ang siga ay babasbasan.

Pari:           Manalangin tayo.

 

Ama naming makapangyarihan,

sa pamamagitan ng Iyong Anak kami’y dinulutan

ng ningas ng Iyong kaliwanagan.

Ang bagong ningas na ito ay Iyong gawing banal +

at ipagkaloob Mong kami’y pagningasin

nitong aming pagdiriwang

upang makasapit kaming may dalisay na kalooban

sa walang maliw na kaliwanagan

sa pamamagitan ni Hesukristo

kasama ng Espiritu Santo

magpasawalang hanggan.

Lahat:        Amen.

 

·        PAGSISINDI NG KANDILA NG PASKO NG MULING PAGKABUHAY MULA SA BAGONG BASBAS NA APOY

Ang kandila ng Pasko ng Pagkabuhay ay sisindihan mula sa bagong basbas na apoy.

 

·        PAGGUHIT NG PARI NG KRUS SA PAMAMAGITAN NG PANG-UKIT O PANSULAT AT PAGTUSOK NG LIAMNG INSENSO SA KANDILA AYON SA BALANGKAS NG KRUS

Pagkabasbas ng bagong apoy, ang isa sa mga tagapaglinggod ay siyang maghaharap sa kandila ng Pasko ng muling Pagkabuhay sa pari. Ito ay guguhitan ng pari ng krus sa pamamagitan ng pang-ukit o pansulat. Iguguhit din dito ang mga titik na Griyego:

 

1. (Sa pagguhit sa krus mula sa itaas hanggang ibaba)

Si Kristo ang nagmahal

noon sa bayang hinirang

ngayon pari’y S’yang patnubay:

Si Hesukristo’y nabuhay,

S’ya’y ating kaliwanagan.

 

2. (Sa pagguhit sabisig ng krus  mula sa kaliwa hanggang sa kanan)

Si Kristo ang nagmahal

simula pa noong araw,

wakas natin S’ya’t hantungan:

Si Hesukristo’y nabuhay,

S’ya’y ating kaliwanagan.

 

3. (Sa pagguhit ng alpha sa ulunan ng krus)

Si Kristo ang pinagmulan:

Alpha’y sagisag N’yang tunay.

S’ya’y ating pinanggalingan:

Si Hesukristo’y nabuhay,

S’ya’y ating kaliwanagan.

 

4. (Sa pagguhit ng omega sa paanan ng krus)

Si Kristo ang S’yang hantungan:

Omega’y Kanyang larawan,

S’ya ating patunguhan:

Si Hesukristo’y nabuhay,

S’ya’y ating kaliwanagan.

 

5. (Sa pagguhit ng unang bilang ng taon, sa itaas ng kaliwang sulok ng krus)

Kay Kristo ay nabibilang

lahat ng panaho’t araw,

bawat yugto ng pag-iral:

Si Hesukristo’y nabuhay,

S’ya’y ating kaliwanagan.

 

6. (Sa pagguhit ng ikalawang bilang ng taon, sa itaas na kanang sulok ng krus)

Si Kristo ay nabibilang

mga taong daan-daan,

Hari S’ya ng kasaysayan:

S’ya’y ating pinanggalingan:

Si Hesukristo’y nabuhay,

S’ya’y ating kaliwanagan.

 

7. (Sa pagguhit ng ikatlong bilang ng taon, sa ibabang kaliwang sulok ng krus)

Kay Kristo ang karangalan

lahat ng kapangyaraihan.

Panginoong dinarangal:

Si Hesukristo’y nabuhay,

S’ya’y ating kaliwanagan.

 

8. (Sa pagguhit ng ikaapat na  bilang ng taon, sa ibabang   kanang sulok ng krus)

Kay Kristo ang kapurihan

ng buong sangkatauhan

ngayon at magpakaylan man:

Si Hesukristo’y nabuhay,

S’ya’y ating kaliwanagan.

 

Kapag naiguhit na ang krus at ang mga iba pang palamuti, maaring itusok ng pari ang liamng butil ng insenso sa kandila. Gagawin niya itoayon sa balangkas ng krus, habang ipinahahayag:

 

1. Sa sugat na lubhang banal

ni Hesus sa tagiliran

dugo’t tubig ay lumitaw.

Si Hesukristo’y nabuhay,

S’ya’y ating kaliwanagan.

 

2. May sugat sa paang kanan

si Hesus ay nabayubay

sa krus na kinamatayan.

Si Hesukristo’y nabuhay,

S’ya’y ating kaliwanagan.

 

3. Ang kaliwang paa naman

ni Hesus din ay sugatan

Pako’y naglagos na tunay:

Si Hesukristo’y nabuhay,

S’ya’y ating kaliwanagan.

 

4. At sa kanan Niyang kamay

si Hesus di’y pinakuan

Kaya’t may sugat na taglay:

Si Hesukristo’y nabuhay,

S’ya’y ating kaliwanagan.

 

5. Sa Kanyang kaliwang kamay

Si Hesus ay pinakuan

Noong buhay N’ya’y ialay.

Si Hesukristo’y nabuhay,

S’ya’y ating kaliwanagan.

 

Isisisndi ang kandila sa bagong basbas na apoy habang ipinahahayag:

Pari:           Mapawi nawang tuluyan

ang dilim ng kasalanan

sa puso nati’t isipan:

Si Hesukristo’y nabuhay,

S’ya’y ating kaliwanagan.

 

Prusisyon

 

Ang diyakono o ang pari, kapag walang diyakono ay siyang magdadala sa kandila ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Ito ay itataas niya at habang inaawit:

 

Pari o Diyakono:         Tayo nang magbigay-dangal

                             kay Jesus na ating ilaw

                             sa diwa nati’t isipan.

                             Si Jesu-Cristo’y nabuhay

                             Siya’y ating kaliwanagan.

 

Sasagot ang lahat:

 

Bayan:                 Salamat po, Poong banal

                             sa ilaw na Iyong bigay,

                             upang kami ay tanglawan.

                             Si Jesu-Cristo’y nabuhay

                             Siya’y ating kaliwanagan.

 

o kaya:

 

Pari o Diyakono:                   Si Cristo ang Liwanag!

 

Bayan:                           Salamat sa Diyos!

 

Lahat ay papasok sa simbahan, sa pangunguna ng may dalang kandila ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Kung ginagamit ang insensaryo, ang tagadala nito ay siyang mangunguna.

 

Sa pintuan ng simbahan, itataas ang kandila at aawitin sa ikalawang pagkakataon.

Pari o Diyakono:         Tayo nang magbigay-dangal

                             kay Jesus na ating ilaw

                             sa diwa nati’t isipan.

                             Si Jesu-Cristo’y nabuhay

                             Siya’y ating kaliwanagan.

 

Sasagot ang lahat:

 

Bayan:                 Salamat po, Poong banal

                             sa ilaw na Iyong bigay,

                             upang kami ay tanglawan.

                             Si Jesu-Cristo’y nabuhay

                             Siya’y ating kaliwanagan.

 

o kaya:

 

Pari o Diyakono:                   Si Cristo ang Liwanag!

 

Bayan:                           Salamat sa Diyos!

 

Lahat ay magsisindi ng kanilang kandila mula sa kandila ng Pasko ng Pagkabuhay. Magapaptuloa ang pagprurusisyon.

 

Pagsapit ng maydala ng kandila ng Pasko ng Muling Pagkabuhay sa dako ng dambana, haharap siya sa mga tao at aawitin sa ikatlong pagkakataon:

Pari o Diyakono:         Tayo nang magbigay-dangal

                             kay Jesus na ating ilaw

                             sa diwa nati’t isipan.

                             Si Jesu-Cristo’y nabuhay

                             Siya’y ating kaliwanagan.

 

Sasagot ang lahat:

 

Bayan:                 Salamat po, Poong banal

                             sa ilaw na Iyong bigay,

                             upang kami ay tanglawan.

                             Si Jesu-Cristo’y nabuhay

                             Siya’y ating kaliwanagan.

 

o kaya:

 

Pari o Diyakono:                   Si Cristo ang Liwanag!

 

Bayan:                           Salamat sa Diyos!

 

Ang mga ilaw sa simbahan ay sisindihan.

 

EXULTET

ANG MARINGAL NA PAGPAPAHAYAG NA NGAYO’Y

PASKO NG PAGKABUHAY

 

Pagsapit sa gawi ng dambana, ang pari ay paroroon sa kanyang upuan. Ilalagay ang kandila sa patungan o kandelero nito na nasa gitna ng dako ng dambana o malapit sa mataas na dakong nakalan para sa mga pagbasa. Kung ginagamit ang insensaryo, ito’y lalagyan ng insenso ayon sa ginaganap sa loob ng Misa, sa bahagi ng pagpapahayag ng Mabuting Balita.

 

Ang aklat at ang kandila ay iinsensuhan. Ang diyakono o ang pari, kapag walang diyakono, ay aawit ng pagpapahayag ng Pasko ng Pagkabuhay mula sa mataas na dako para sa pagbasa o mula sa pulpito. Lahat ay tatayo na may tangang kandila.

 

Ang pagpapahayag na ngayo’y Pasko ng Pagkabuhay ay maaaring gawin sa mahaba o maikling paraan.

 

Ang Mahabang Paraan ng Pagpapahayag na Ngayo’y

Pasko ng Pagkabuhay

 

Magalak kayong lahat sa kalangitan,

kayong mga anghel ay mangag-awitan!

Magalak kayong lahat na mapapalad na nilkha

na nakapaligid sa luklukang dakila.

 

1. Si Kristo na ating Hari ay nabuhay na mag-uli!

Hipan natin ang tambuli nitong ating kaligtasan!

Magalak, o sanlibutan, sa maningning nating Ilaw!

Si Kristo na walang maliw ang pumaram sa dilim.

 

Tugon sa mahabang paraan ng pagpapahayag na ngayo’y Pasko ng Pagkabuhay:

                        Magalak ng lubos ang buong sambayanan!

                   Sa kaluwalhatian lahat tayo’y magdiwang!

                   Sa ningning ni Jesu-Cristo,

sumagip sa sansinukob,

                   Siya’y muling nabuhay, tunay na Manunubos.

 

2. Itaas sa kalangitan ating puso at isiupan!

D’yos Ama’y pasalamatan sa anak Niyang nabuhay.

Sapagkat tapat S’yang tunay sa Kanayng pananagutan

Para sa kinabilangan Niya na sambayanan.

 

3. Ngayon nga ang kapistahan ni Hesukristong nag-alay

ng Kanyang sariling buhay, nagtiis ng kamatayan.

Ang minanang kasalanan, ang dating kaalipina’y

Sa tubig pawang naparam, kalayaa’y nakamtan!

 

4. Ngayon nga ang pagdiriwang ng ating muling pagsilang

Sa tubig ng kaligtasan na batis ng kabanalan,

Pagkat mula sa libingan bumangon na matagumpay

Mesiyas ng sanlibutan – si Hesus nating mahal.

 

5. Diyos Ama ng sanlibutan, tunay na walng kapantay

pag-ibig Mo’t katapatan para sa mga hinirang.

Handog Mo’y kapatawaran sa lahat ng kasalanan.

Higit sa lahat Mong alay – si Hesus naming mahal!

 

6. Dahil sa kaligayahang sa ami’y nag-uumapaw

Hain namin itong ilaw, sagisag ng Pagkabuhay.

Tunay na kaliwanagang hated ni Hesus na

Tanglaw, ang dilim ng kamatayan ay napawi’t naparam!

 

7. Ang Araw ng Kaligtasan, si Hesus, bukang-liwayway,

walang maliw na patnubay sa landas ng kaligtasan,

hatid N’ya’y kapayapaan, lakas Mo at pagmamahal

upang aming magampanan aming pananagutan.

 

Ang Maikling Paraan ng Pagpapahayag na Ngayo’y

Pasko ng Pagkabuhay

 

1. Magalak ngayo’t magdiwang,

mga anghel na kinapal,

lahat tayo’y mag-awitan:

Si Hesukristo’y nabuhay,

Siya’y ating kaliwanagan.

 

Tugon sa maikling paraan ng pagpapahayag na ngayo’y Pasko ng Pagkabuhay:

Si Hesukristo’y nabuhay

          Siya’y ating kaliwanagan.

 

2. Tambuli ng kaligtasan

maghudyat ng kagalakan

magsaya ang sanlibutan.

Si Hesukristo’y nabuhay,

Siya’y ating kaliwanagan.

 

3. Hinirang na sambayanan

bumubuo ng Simbahan

magsaya sa kaningningan.

Si Hesukristo’y nabuhay,

Siya’y ating kaliwanagan.

 

4. Ang puso nati’t isipan

itaas sa kalangitan

ang Ama’y pasalamatan.

Si Hesukristo’y nabuhay,

Siya’y ating kaliwanagan.

 

5. Ngayon nga ang kapistahan

ng Panginoong namatay

ukol sa ’ting kalayaan.

Si Hesukristo’y nabuhay,

Siya’y ating kaliwanagan.

 

6. Ngayon nga ang pagdiriwang

ng muli nating pagsilang

sa tubig ng kaligtasan.

Si Hesukristo’y nabuhay,

Siya’y ating kaliwanagan.

 

7. D’yos Ama ng sanlibutan,

pag-ibig Mo’t katapatan

patawad sa ami’y bigay.

Si Hesukristo’y nabuhay,

Siya’y ating kaliwanagan.

 

8. Hain namin itong ilaw

sagisag ng matagumpay

na Anak Mong minamahal.

Si Hesukristo’y nabuhay,

Siya’y ating kaliwanagan.

 

 

Ikalawang Yugto:

ANG PAGPAPAHAYAG NG SALITA NG DIYOS

Liturhiya ng Salita ng Diyos

 

Sa pagdiriwang na ito, na siyang ina ng Magdamagang Pagdiriwang, siyam na pagbasa ang nakalaan, pito mula sa Matandang Tipan at dalawa mula sa Bagong Tipan (ang Sulat at ang Mabuting Balita).

 

Ang bilang ng mga pagbasa sa Matandang Tipan ay  maaring bawasan alinsunod sa kaayusang makabubuti  sa pamumuhay Kristiyano, subalit dapat ay huwag kalimutan na ang pagbasa ng Salita ng Diyos ay  pangunahing sangkap nitong Magdamagang Pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay. Tatlo man lamang sanang pagbasa mula sa Matandang Tipan ay ipahayag bagama’t kung may mabigat na dahilan, maari rin namang ito’y maging dalawa. Ang pagbasa mula sa ikalabing-apat na kabanata ng Exodo ay hindi dapat ligtaan.

 

Matapos ang pag-awit ng pagpapahayag na ngayo’y Pasko na ng Pagkabuhay, papatayin ang sindi ng mga kandila at uupo ang lahat. Bago simulan ang paglalahad ng mga pagbasa, maaaring ang pari ay magsalita ng ilang pangungusap ng paliwanag katulad ng narito o ng anumang katumbas nito:

 

Mga kapatid,

ngayong nasimulan na natin

ang Magdamagang Pagdiriwang ng Muling Pagkabuhay,

makinig tayong mabuti sa Salita ng Diyos,

isaloob natin kung paano niyang ginanap

sa iba’t ibang yuigto ng kasaysayan ang pagliligtas Niya sa mga hinirang na tao. Noong ngang sumapit ang itinakda Niyang panahon,

ang Kanyang sariling Anak ang Kanyang sinugo

upang ating Tagapagligtas.

Hilingin natin sa Diyos

ang kaganapan ng kaligtasan

na nangyayari ngayon

sa pagdiriwang ng Pasko ng pagtubos sa tanan.